Wednesday, October 2, 2013

Ang Sikreto ng San Diego: Short Story


By Karen Christal Seralvo

Panahon ngayon ng tagsibol at araw ng LinggosaMadrid sa Espanya. Malamig ang simoy ng hangin at maganda ang sikat ng araw, kaya naman naisip ng mag-asawang Felipe at Marcela na isa itong perpektong araw para sa kanilang pamilya – ang pamilyang Gonzales – upang mamasyal. Nagmadaling umakyat si Felipe papunta sa kwarto ng mga bata.

Dalawa ang mga anak ni Felipe – si Carlos at si Celestine. Ang dalawang bata ay pumapasok sa isa sa pinakamagagandang paaralan sa Madrid –ang Madrid Middle School (Home of the Bulldogs). Si Carlos ay ang panganay. Siya ay labing-isang taong gulang at nasa ikalimang baitang na sa elementarya. Siya ang presidente sa kanilang klase at talaga namang napakasipag na estudyante. Marami na siyang sinalihang mga kompetisyon tulad ng swimming at chess, at nagkamit siya ng maraming medalya mula sa mga iyon. Si Celestine naman ay walong taong gulang at nasa ikatlong baitang pa lamang. Sa kabila nito ay hindi naman nagkakalayo ang katangian niya sa kanyang kuya. Kung ang kanyang kuya ay magaling sa sports, siya naman ay mahusay sa sining. Kahit na siya ay walong taong gulang pa lamang, nagkaroon na siya ng isang exhibit ng lahat ng kanyang mga likha. Mahusay siya sa pagpipinta, sa iskultura, at iba pa. Mayroon din siyang gawa mula sa kanyang pagwu-wood carving. Maraming tao ang labis na humahanga sa mga anak ni Felipe. Bukod sa talentado ay napakabait at napakamasunurin din ng mga ito. Sa kabila ng kanilang husay sa kani-kanilang napiling larangan, ay nananatili silang mapagpakumbaba at hindi mayabang. Napakasimple ng kanilang kaligayahan tulad din ng sa ibang bata. Masaya sila tuwing kasama nila ang kanilang mga magulang, at nagpapasalamat sila sa lahat ng naibibigay sa kanila ng mga ito.

Isang halimbawa na nito ang araw na ito. Hindi na kumatok si Felipe dahil nais niyang ma-sorpresa ang kanyang mga anak.

“Gising na kayo mga anak!” buong lakas nasigaw ng Gobernador-Heneral. “Sino’ng gustong pumunta sa parke?” tanong pa nito.

“Ako po!” sabay na sagot naman ng dalawa.

Agad na bumangon ang dalawang bata na para bang kanina pa sila gising, at talagang hinintay lamang nila ang mga katagang binitiwan ng kanilang ama. Pagkabangon ay dumiretso agad ang dalawa sa lababo para magmumog at maghilamos. Kitang-kita ang saya sa kanilang mukha, lalung-lalo na sa kanilang mga mata. Pagbaba nila ay naihanda na ng kanilang ina na si Marcela ang almusal, at ngayon ay inihahanda na niya ang dadalhin nilang baon sa parke.

Si Marcela ay ang napakagandang asawa ni Felipe. Nagkakilala sila noong sila ay nasa kolehiyo. Nagkatabi sila sa isang klase na pareho nilang gusto – ang klase nila sa musika. Si Felipe noon ay estudyante ng pulitika at nasa ikatlong taon na sa kolehiyo, samantalang si Marcela naman ay kumukuha ng kursong Culinary at noon ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo. Kahit na magkaibang-magkaiba ang larangang tinatahak ng dalawa ay pinagtagpo sila sa isang bagay na pareho nilang mahal, at ito nga ay ang musika. Pareho silang marunong tumugtog ng iba’t ibang instrumento at marunong ding umawit. Noong unang araw pa nga ay nayabangan si Marcela kay Felipe dahil nagpapasikat ito sa klase, ngunit kinalaunan ay nalaman nitong kaya nagpapasikat ang binata ay dahil nagpapapansin siya sa kanya. Natapos ang isang semestre at naging magkaibigan ang dalawa. Makalipas lamang ang isa pang taon ay naging magkasintahan na sila.

Si Felipe ay anak ng isa sa mga pinakamayayamang tao sa Espanya. Sa kabila nito ay napaka-simple nitong tao at napakabuti rin sa kapwa. Kahit kalian ay hindi niya kinalimutang gawin ang tama, kahit na alam niyang maaaring may magalit sa kanya. Ang paniniwala niya ay basta ginagawa mo ang tama, ay babantayan at ipagtatanggol ka ng mahal na Panginoon. Kung hindi mo kilala si Felipe ay hindi mo iisipin na parte siya ng isa sa pinakamayayamang pamilya sa Espanya. Kung papasok sa eskwela ay simple lamang ang kanyang mga kasuotan, hindi tulad ng ibang mayayabang na anak-mayaman na wala nang ginawa kundi ipangalandakan na sila ay anak-mayaman. Kaiba sa ibang estudyante, siya ay mapagpakumbaba. Nais niyang laging tumutulong at naglilingkod. Talaga namang napakaganda ng pagpapalaki sa kanya ng kanyang pamilya. Nang makilala niya si Marcela ay agad itong nabighani sa dalaga. Bukod sa maganda ito, simple rin at pareho nilang gusto ang musika.Si Felipe ngayon ay isang heneral ng Espanya at pinagkakatiwalaan ng hari.

Si Marcela ay nagmula sa isa rin namang maykayang pamilya. Hindi man sila kasing-yaman nina Felipe ay nakukuha naman niya ang lahat ng kanyang mga pangangailangan.Lumaking mabuti at mabait si Marcela. Tulad ni Felipe, siya ay napakasimpleng tao lamang. Mahilig din siyang tumulong sa mga nangangailangan.Sa katunayan ay noong siya ay nasa unang taon pa lamang sa kolehiyo, bumuo siya ng isang organisasyon na naglalayong tumulong sa mga pamilya, lalung-lalo na sa mga kabataan, na nangangailangan ng tulong, pinansyal man, emosyonal, o seguridad. Maraming tao ang napukaw sa mga ginagawang kabutihan ni Marcela at mga kasama nito, kaya naman marami ang sumali sa kanilang organisasyon, at marami rin ang tumutulong sa kanila sa pamamagitan ng donasyon.Sa ngayon ay mayroon siyang restaurant na mayroon nang labintatlong branches sa buong Espanya.

Noon pa man ay nakikita na ni Felipe si Marcela sa unibersidad. Hindi lamang niya ito nilalapitan dahil wala pa siyang tamang pagkakataon. Kaya naman noong naging kaklase niya ito, ay agad itong nagpasikat sa dalaga. Sa ngayon ay labindalawang taon na silang mag-asawa.

Dahil saCulinary ang kurso ni Marcela, napakagaling nitong magluto. Para sa almusal ay ipinagluto niya ang kanyang pamilya ng Tortilla de Patatas na sinamahan ng mainit na kape para kay Felipe at masarap at mainit na tsokolate para sa mga bata. Noong tapos na silang kumain at handa na ang lahat, tumungo na sila sa paborito nilang parke.

Noong dumating silasa parke ay agad naglaro ang dalawang bata, habang naupo lamang ang mag-asawa habang nanonood sa kanila. Ang paborito nilang parke ay may malawak na lupain na punung-puno ng berdeng-berdeng damo at iba’t ibang uri ng makukulay na mga bulaklak. Asul na asul ang langit noon, at masarap ang simoy ng hangin. Maya-maya ay inilabas ni Felipe ang mga saranggola at nagpalipad silang lahat ng kani-kanilang saranggola. Kumain sila nang makaramdam na ng gutom at pagod ang mga bata. Pagkatapos kumain ay naglakad-lakad na ang mag-anak. Ibinili ni Felipe ng lobo at sorbetes ang dalawang bata, samantalang cotton candy naman para sa kanilang mag-asawa. Sa kabila ng edad ng mag-asawa ay hindi nila nakakalimutang maging bata paminsan-minsan. Noong nakita ni Felipe na malapit nang mag-alas kwatro, ay niyaya na niya ang kanyang asawa at mga anak na umuwi na.

Hindi pa man niya naipapasok sagarahe ang kanilang sasakyan, nakita agad ni Felipe sa ang isang kawal na may hawak na isang liham na may pulang tatak – simbolo ng hari ng Espanya. Noong bumaba na ang bumaba na ang lahat mula sa sasakyan, sinabi ni Felipe,

“Pumasok na muna kayo sa loob, kakausapin ko lamang ang aking bisita.”

Pagpasok nina Marcela at mga bata sa kanilang bahay ay lumapit ang kawal at iniabot ang liham. Agad itong binuksan at binasani Felipe. Nakasaad sa sulat na ipapadala siya sa bagong kolonya ng Espanya – ang Pilipinas.Inatasan siyang mamuno roon. Hindi ito ang unang pagkakataon na naatasan siyang mamuno sa isang kolonya ng Espanya. Maaari naman niyang isama ang kanyang pamilya tulad ng dati, kaya naisip niya na wala namang magiging problema sa kautusang ito. Ngunit naalala niya ang kaarawan ni Celestine na gaganapin na sa loob ng isang buwan. Napagplanuhan na nila ito ng kanyang asawa. Inalis niya ito sa kanyang isipan at sa halip ay inisip na lamang niya na mabuti na rin na magkakasama sila sa bagong kolonya. Pagkalipas ng dalawang linggo ay lumipad na ang mag-anak patungo sa Pilipinas.

Sa unang araw pa lamang ng kanilang pamamalagi sa bansa ay nagkaroon agad ng mga bagong kaibigan ang mag-anak. Ngunit hindi lahat ay masaya sa kanilang pagdating. Mayroon pa ring iba na nagdududa sa kanilang kabaitan. Patuloy lamang ang pamilya sa pagiging mabuti at mabait sa mga mamamayan ng San Diego. Kaya naman hindi nagtagal ay natanggap na sila ng lahat. Napakasaya nila sa bago nilang tirahan.

Ngunit sa ikalawang linggo nila roon ay nasira ang kasiyahan. Naganap ang isang nakapangingilabot na pangyayari. Alas-7 na ng gabi ay wala pa sa bahay si Celestine. Noong hapon ay nakikipaglaro lamang ito sa mga bata sa nayon kasama ang kanyang kuya na si Carlos. Tinanong ni Felipe si Carlos kung nasaan ang kanyang kapatid.

“Sabay po kaming umuwi ngunit ako ay natulog agad dahil sa sobrang pagod. Siya naman ay naririto lamang kanina sa salas at nanonood ng paborito niyang palabas,” sagot naman ni Carlos.
Kung saan-saan nahinanap ni Felipe ang anak, at kung sinu-sino na rin ang pinagtanungan nito. Isa lamang ang sinagot sa kanya ng lahat ng kanyang pinagtanungan – hindi nila ito nakita. Hanggang sahalos mabaliw na siya kakahanap at napadpad siya sa kanilang bakuran. Tulala siyang naglalakad habang nakatingin lamang sa ibaba. Nang iangat niya ang kanyang ulo ay nagulantang siya sa kanyang nakita. Gumuho ang kanyang mundo. Natigilan siya at hindi makagalaw. Napaluhod siya. Nakita niyang nakahandusay ang wala nang buhay na katawan ni Celestine. Tadtad ng dugo sa paligid. Nang matauhan ay nagmamadaling binuhat ni Felipe ang anak ng katawan at tinawag ang kanyang asawa. Sinubukan nila itong dalhin sa pinakamalapit na doktor ngunit huli na ang lahat. Hindi na maisasalba pa ang kawawang bata. Sinabi niya sa doktor na alamin agad kung ano ang tunay na nangyari. Pagkalipas ng dalawang araw ay sinabi ng doktor na lumabas sa otopsiya na hindi tao o hayop ang gumawa noon. Hindi pa rin maipaliwanag ang sanhi ng kamatayan ng bata.

Pinilit ni Felipe na alamin ang katotohanan, lumipas ang isang buwan, isa na namang bata ang nabiktima ng nilalang na pumatay kay Celestine. Pareho ang sinapit ng bata sa nangyari kay Celestine. Sa pagkakataong ito, may nakakita sa nangyari. Sinabi ng saksi na nakagigimbal ang kanyang nakita. Hindi tao at hindi rin hayop, kundi isang nakaktakot at malaking halimaw. Malalaki ang pangil at mahahaba ang mga kuko. Wala raw nagawa ang nakasaksi dahil sa takot na baka siya naman ang makita ng nilalang. Kung nagkataon ay hindi niya maisisiwalat ang katotohanan.

Simula noong malaman niya ang tungkol sa halimaw ay naging misyon na ni Gobernador-Heneral Felipe Gonzales, kasama ang mga taga-roon, na hulihin at patayin ang halimaw na naghahasik ng lagim sa kanilang lugar. Ilang linggo na rin silang nagbabantay at nag-aabang, ngunit hindi pa rin nila mahuli-huli ang halimaw. Napakagaling nitong magtago at alam nito kung saan walang nagbabantay.

Isang araw, bigla na lamang nagsalita si Padre Salvi na itigil na ang ginagawa nila dahil nagsasayang lamang sila ng kanilang oras at wala naman itong patutunguhan. Sa sinabing ito ng prayle, nagkaroon na ng pagdududa sina Felipe at kanyang mga kasama. Bakit nga naman magbibigay ng ganoong komento ang prayle? Hindi ba siya natatakot nabaka isang araw ay siya ang salakayin at patayin ng halimaw? Simula noon ay palihim na minanmanan ni Felipe ang mga kilos ng prayle. Maraming pagkakataon na nawawala ito nang biglaan.
Isang hapon ay nagkaroon ng pagkakataon si Felipe na sundan ang prayle. Nakita niyang papunta ito sa gubat habang may dala-dalang isang sako na tila mabigat ang laman. Hindi na siya nagsayang ng panahon. Hindi niya maaaring palampasin ang pagkakataong iyon. Hindi na niya nagawa pang magtawag ng mga kasama. Sinundan na niya si Padre Salvi sa gubat, hanggang sa pumasok ito sa isang kweba. Sa pagsilip niya ay nagimbal siya sa nasaksihan ng kanyang mga mata. Naroroon ang isang nakakatakot na nilalang. Wala itong pakundangan sa pagkain ng iba’t ibang klaseng hayop na laman ng sakong dala ng prayle.

Ninais ng Gobernador-Heneral na bumalik sa baryo upang tawagin ang kanyang mga kasama, ngunit may nangyaring hindi inaasahan. Paghakbang niya ay nakatapak siya ng isang sanga at ito ay lumikha ng ingay na narinig at nakakuha ng atensyon ng prayle at ng halimaw. Nakita siya kaagad ng prayle at ito ay mabilis na nagtatakbo papasok sa mas madilim na bahagi ng kweba. Noon na nagsimula ang pagtutuos ni Felipe at ng halimaw. Napakalakas ng halimaw, ngunit masmatalino si Felipe. Hindi agad siya nahuli ng halimaw.Ngunit tila ba naubos ang swerte ni Felipe. Umabot sa pagkakataon na wala na siyang mapuntahan. Akala niya ay katapusan na niya, hanggang sa inisip niya ang maaaring kahinaan ng halimaw. Hindi ito mabilis kaya kung gagawa siya ng dibersyon ay maaari pa siyang makatakas. Nagtagumpay siya sa kanyang plano at nagawa niyang ibaon ang kanyang itak sa puso ng halimaw mula sa likod. Unti-unting nanghina ang halimaw, hanggang sa nawalan na nga ito ng buhay.

Sa pagod ni Felipe ay pagapang na siyang lumabas sa madilim na kweba. Marami rin siyang tinamong sugat samula sa pagtutuos.Sa wakas ay nakakita siya ng liwanag. Binilisan niya pa ang paggapang. Nang makarating siya sa labas ay unti-unti siyang nawalan ng malay, ngunit bago tuluyang pumikit ang kanyang mga mata, naaninag niya na may mga pamilyar na taong papalapit sa kanya at naramdaman niyang may bumuhat sa kanya.

Nang siya ay magising, siya ay nasa ospital na. Bumalik na nang kaunti ang kanyang lakas. Nakita niyang nasa labas ang kanyang asawa at si Carlos habang kausap ang mga nakakita sa kanya. Nakita siya ni Carlos at sinabi agad nito sa mga nakatatanda na gising na ang kanyang ama. Ikinwento na ni Felipe ang nangyari at ang pagkakasangkot ni Padre Salvi sa mga kaganapan. Nang puntahan ng mga tao ang prayle sa tinutuluyan nito ay wala na siya roon at wala nang nakaalam kung nasaan na ito at ano na ang nangyari rito. Bumalik ang katahimikan at kasiyahan sa San Diego. Biniyayaan ng sanggol na babae ang pamilya Gonzales, at pinangalanan nila itong Celestina, sunod sa yumao niyang ate.

Sa kabila ng katahimikan sa San Diego ay isiniwalat nina Felipe ang kaganapan at nagpakalat ng mensahe sa buong bansa tungkol sa prayle, dahil maaaring may iba pang halimaw na inaalagaan ang prayle bukod sa napatay ni Felipe.


Hanggang sa ngayon ay wala pang balita tungkol sa prayle, at patuloy pa rin sa paghahanap sina Felipe.

0 comments:

Post a Comment

 

LiteraRizal Copyright © 2011 -- Template created by O Pregador -- Powered by Blogger