Sunday, October 6, 2013

Sangguniang Kabataan, Dapat pa nga bang ipagpatuloy?


By King Metrillo

Mainit ang usapin ngayon ng pagpapaliban ng eleksyon para sa Sangguniang Kabataan.
Ito ay dahil di umano sa mga isyung bumabalot sa bahaging ito ng pamamahala sa barangay.
Naririyan ang isyu ng pangungurakot ng samahan sa pondong inilalaan ng barangay para sa
youth welfare and development na napupunta lamang sa mga pa-liga at sports fest. Naririyan din
ang kawalan o kakulangan ng proyekto sa isang taon ng sanggunian, na para bang sa oras na
mahalal ay hindi na muli pang makikitang umaaksyon. Sa kabila ng mga isyung ito, patuloy na
sinasalihan ito ng mga kabataang nais maglingkod sa kanilang barangay. Magbigay ng tunay na
pagbabago ang laging bukambibig ng mga tumatakbong kabataan ngunit saan nga ba napupunta
ang pagbabagong laging ipinapangako?

Kung titingnang mabuti, ang mga kasapi ng Sangguniang Kabataan ay pawang mga
menor-de-edad na mga estudyante. Wala pang karanasan sa pagpapalakad ng isang yunit ng
gobyerno ang mga kabataang kung sakali ay sa eskuwelahan pa lamang namamahala. Ang
responsibilidad na inaatang sa mga naihahalal na SK officials ay hindi basta-bastang tungkulin
na kapag natupad na ay tapos na. Ito ay tumatawid sa kakayahan ng mga opisyales na
mamalakad sa hinaharap. Ang obligasyon ng naihahalal ay dapat lamang na mapunuan ng
nagpapatakbo dahil ito ang nagiging huwaran at gabay ng mga kabataan sa lugar na
nasasakupan. Kung ang mga responsibilidad na ito ay ipapataw sa isang estudyante na dapat sana
ay nakapokus sa kanyang edukasyon, hindi nga malalayo ang sistema sa gawi ng mas matataas
na yunit ng pamahalaan. Hindi maibabahagi ng wasto ang mga pondong dapat sana ay
naitatalaga sa health services at iba pang benefits ng mga kabataan hindi lamang para sa mga
palaro o pa-liga ng basketbol sa baranggay. Hindi naman masamang italaga ang pondo sa isports
ngunit hindi rin dapat ito nauubos sa isang event lamang. At kung papansinin, ang kabataang
naihahalal ay pawang mga estudyante, anak, kapatid at kaibigan na sana’y nakatuon lamang sa
mga responsibilidad ng isang pangkaraniwang binata o dalaga sa lipunan. Dapat ay matamasa
muna nila ang kanilang kabataan at huwag magmadali sa paglaki at maging sa pagpapatakbo ng
isang nasasakupang lugar.

Sa kabilang banda, ang SK ay nagiging venue o outlet ng kabataang nais magparating ng
mithiing makapag-ambag ng isang bagay na makabuluhan habang sila’y bata pa. Nagkakaroon
ng ibang kasiyahan ang isang taong nakapagbigay ng isang bagay na lubos na makatutulong sa
mas nakararami. Ang iba naman ay nais maging modelo sa mga kapwa nila teenager na nalalayo
na sa tamang landas upang makatulong sa muling pagpapasigla ng kagustuhan ng mga batang
makapag-aral muli. Sa ganitong paraan, mas nagiging kapakipakinabang ang mga libreng oras ng
mga kasapi ng SK. Hindi inaalintana ang hirap ng pagsasabay ng mga responsibilidad sa
eskwelahan, tahanan, at tawag ng panunungkulan. Masarap nga namang makitang nagbubunga
ang isang maliit na paraang nagsimula sa kagustuhang makatulong sa iba. Sa kanilang maliit na
hakbang, nakapagdudulot sila ng malaking pagbabago di lamang sa kanilang mga sarili kundi
pati na rin sa kanilang kapwa. Ang isports at iba pang palaro ay nakapagbibigay ng
pagpapahalaga sa kapatiran, pagtutulungan at pantay na pakikipaglaro ng iba’t ibang grupo ng
kabataan. Magandang paraan din ito upang maiwasan ang pagkalulong ng mga teenager sa mga
bisyo at pagtuonan na lamang ng pansin ang isports na maaring gawing libangan at maaari rin
namang gawing tagisan ng galing. Nagdudulot ng kasiyahan ang mga gantong uri ng paligsahan
sa mga kasapi ng SK dahil nakikita nilang nasusuklian ang kanilang pinagpapaguran, hindi man
ng pera kundi ng kasiyahan ding naibabahagi nila sa kanilang mga kabarangay.

Sa ngayon, may ipinapasang bill sa mababang kapulungan na itigil muna ang gaganaping
eleksyon ng SK ngayong taon dahil sa mga isyu ng kurapsyon at tila nananamlay na kahulugan
ng pagkakabuo ng Sangguniang Kabataan. Ipagpapatuloy na lamang ang eleksyon sa 2016. Kung
ganito na kalala ang mga isyu at problema, na umabot pa sa mababang kapulungan, tila hindi na
biro ang mga kinakaharap ng lahat ng kasapi ng SK sa mga barangay. Isa itong paggising hindi
lamang sa mga SK officials, tumatakbo ngayong eleksyon, kundi pati na rin sa lokal na
pamahalaan at mga barangay officials na tutukan ang kabataang nagpapalakad ng sistema. Tila
hindi na rin nagiging huwaran ng kabataan ang SK dahil sa mga kinakaharap na isyu.

Kung ako ang tatanungin, hindi naman masama ang pagkakaroon ng Sangguniang
Kabataan sa mgaa barangay. Hindi naman nabuo sa masama ang samahan, kundi nabuo sa
kagustuhang makapaglingkod sa kabataan at sa nasasakupan. Ang problema nga lang ay hindi na
nagiging patas ang ibang opisyales ng SK sa paglilingkod. Makapagpasimuno lamang ng liga ng
basketbol sa barangay ay ayos na. Kung ako ang tatanungin, na kung gusto ko talagang
makatulong sa kapwa ko, tutulong ako kahit na hindi ako isang halal na pinuno o may puwesto.
Kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin ko pang maglingkod nang tahimik lamang, nang hindi
naipapaskil ang aking pangalan o mukha sa mga tarpaulin. Kung tapat ang hangarin, magagawa
ito kahit na walang kapalit.

Hindi masama ang pagkakabuo ng Sangguniang Kabataan. Sadyang hindi lang
napapatnubayan ng mas nakatatandang pinuno ang kung sinomang nagpapalakad sa samahan ng
kabataang nais lamang tumulong sa kapwa kabataan.

0 comments:

Post a Comment

 

LiteraRizal Copyright © 2011 -- Template created by O Pregador -- Powered by Blogger